Filipino: Wika ng Saliksik
Ang Wikang Filipino ay kilala
bilang pambansang wika ng Pilipinas. Halos lahat ng Pilipino ay ginagamit ang
wikang ito sa pakikipagkomunikasyon. Ngunit sa paglipas ng panahon ay umuusbong
ang iba't ibang mga salita na hindi angkop sa pakikipagtalastasan. Minsan may
mga Pilipino na ring gumagamit ng lenggwahe ng ibang bansa dahil mas may alam
pa sila dito kesa sa wikang Filipino. Ngunit hindi naman natin maiiwasan ang
paggamit ng ibang lenggwahe lalo na kung mga banyaga ang ating kausap. Kung
kaya't dapat nating hikayatin ang ating kapwa Pilipino na pahalagahan ang
wikang atin dahil sabi nga ni Rizal, "Ang hindi marunong magmahal sa
sariling wika ay higit pa sa malansang isda."
Sa taong ito, ang tuon ng
tema ng Buwan ng Wika ay ang wika ng saliksik. Ang saliksik ay ang sistematikong pagsusuri o pagsisiyasat ng isang
paksa, pangyayari, at iba pa. Mahalaga ang wika ng saliksik dahil ito ang
nagiging daan upang makakuha ng mga kaalaman patungkol sa mga bagay bagay. Ito
rin ang daan sa patuloy na pagprogreso ng bansang Pilipinas. Ilan sa mga
halimbawa sa maaring gamit ng wika ng saliksik ay: kung gumagawa ka ng thesis o research paper lalo
na sa larangan ng agham at matematika, kung may balak kang gumawa ng sarili
mong libro, kung gusto mong gumawa ng blog o website, kung isa kang doktor at nagpapayo
ka sa mga maysakit, gamitin mo ang wikang Filipino at higit sa lahat kung isa
kang guro sa Math o Science, sikapin mo ring gamitin ang wikang Filipino sa
pagtuturo upang mas madaling maintindihan ng mga estudyante ang mga aralin
kaysa sa wikang Ingles.
Ayon sa karamihan dapat nating gamitin ang wikang Filipino
sa pagpapalawak ng karunungan at kaunlaran ng bayang minamahal. Ang
sariling wika natin ang siyang makakapagbago at makapagbibigay ng asenso sa
ating bayan. Kung kaya't nararapat lamang na bigyan ng halaga ang wikang
Filipino upang makamit natin ang kabuting panlahat na ating inaasam.
Sa paglipas ng panahon nawa'y
umunlad pa ang wikang atin upang magkaroon ng maayos na komunikasyon ang bawat
Pilipino. Tangkilikin at gamitin ang wikang atin dahil sabi nga nila,
"Wika ang una at pangunahing pamanang pangkultura ng sangkatauhan." Wikang Filipino ating payabungin dahil kung hindi
tayo, sino ang aasahan mo?
napakahusay! ipagpatuloy mo lang!
ReplyDeleteLubos kong nagustuhan ang iyong ginawang artikulo. ipagpatuloy mo lang iyan
ReplyDelete